Handa ka bang balikan ang masalimuot at maruming gawain
na matagal mo nang tinalikuran para masuportahan ang pangangailangan ng iyong
pamilya?
Ngayong Sabado sa Magpakailanman, tunghayan ang isang
ekstraordinaryong kuwento na magtuturo sa mga anak para pahalagahan ang mga
sakripisyo ng mga magulang, at magbibigay-aral sa mga magulang sa pagtataguyod
sa kanilang pamilya sa isang matuwid na paraan.
Beinte-anyos pa lang noon si Nato nang umalis s’ya sa
probinsya para hanapin ang kapalaran sa Maynila. Nanirahan s’ya sa isang
terminal ng bus habang nagdedelihensya ng pera bilang barker at tagabuhat ng
mga bagahe ng mga bagong dating na pasahero. Bumalik man ng probinsya ang
kanyang kaibigan, nagpasya si Nato na manatili sa Maynila kaysa umuwi ng
probinsya kung saan pakiramdam niya’y wala namang nagmamahal sa
kanya. Pero ‘di lumaon, napaalis din si Nato sa terminal at
nagpalaboy-laboy na s’ya sa Maynila.
Sa awa ng Diyos, nakahanap naman s’ya ng trabaho sa isang
karinderya. Doon ay kumita ng kaunting pera si Nato at nagawa n’yang
makapaglibang sa Maynila. At nang minsang manood ng sine, nakita ni Nato
ang kakaibang trabaho ng ilang kalalakihan doon – ang pagbebenta ng
katawan, kung saan malaki ang bayaran. Sa kagustuhang makaipon, pinasok ni
Nato ang pagseserbis. Umalis s’ya sa karinderya at nangupahan ng isang
kuwarto habang pinagsasabay ang pagiging barker at pagbebenta ng katawan sa
sinehan. Hanggang sa nakilala n’ya si Lourdes.
Mabilis silang nagkapalagayan ng loob at nagsama sa
inuupahang kuwarto ni Nato. Ikinasal sila at nagkaroon ng dalawang
anak. Itinigil na ni Nato ang pagseserbis. Umedad s’yang pursigido na
itaguyod ang pamilya sa malinis na paraan. Masayang-masaya s’ya lalo na
noong magkaroon na s’ya ng apo sa anak na si Elmer. Hanggang sa malaman
n’yang may sakit sa puso ang anak n’yang si Elma. Naghanap si Nato ng dagdag na
mapapagkakitaan. Nangutang na din s’ya sa mga kapitbahay pero kulang pa
rin ang halagang naipon n’ya.
Sumabay pa sa problema n’yang ito ang biglang pag-alis ni
Lourdes sa ‘di nila malamang dahilan. Bagsak na noon si Nato pero hindi
s’ya puwedeng sumuko. Isang paraan na lang ang alam n’ya kung saan maaari
s’yang kumita ng malaki-laking halaga. Kaya kahit may edad na, pinilit
bumalik ni Nato sa pagbebenta ng katawan sa sinehan.
Sa mundong binalikan ni Nato na ang puhunan ay kabataan
at ganda ng pangangatawan, may tatanggap pa ba sa kanyang serbisyo sa
kabila ng kanyang katandaan? Ano ang magiging reaksyon ng kanyang mga anak
n’ya kapag nalaman ng mga ito ang ginagawa n’ya para lang kumita ng
pera? Tunghayan ang makulay na buhay ni Lolo Nato sa loob at labas ng
sinehan na bibigyang buhay nina Lucho Ayala at Emilio Garcia.
Makakasama rin nila sa episode sina Jenine Desiderio,
Richard Quan, Mike Magat, Jade Lopez, Lharby Policarpio, Mariam Al-alawi, Vince
Gamad, Rob Moya, Afi Africa, Rob Sy, Beauty Veloso, Fonz Desa, Paolo Rivero,
Buddy Palad at Miko Cruz.
Ang “Ang Lolo Kong Prosti” ay sa ilalim ng mahusay
na direksyon ni Joel C. Lamangan, DGPI, mula sa panulat ni Senedy Que at
pananaliksik ni Loi Nova.
Mapapanood ngayong Sabado, September 10, sa programang
nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao,
Magpakailanman, pagkatapos ng Pepito Manaloto.
Source: gmanetwork.com
0 comments:
Speak up your mind
Tell us what you're thinking... !